Dapat Ko bang Baguhin ang Aking Pangalan?
Deskripsyon: Isang maikling talakayan tungkol sa pagbabago ng pangalan ng isang tao sa pagbabalik-loob sa Islam.
Ni Aisha Stacey (© 2012 NewMuslims.com)
Nai-publish sa 16 Apr 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018
Nai-print: 90 - Nag-email: 0 - Nakakita: 300,287 (pang-araw-araw na average: 124)
Layunin:
·Upang talakayin ang mga benepisyo o mga katangian ng pagpili ng isang bagong pangalan.
·Upang maintindihan kung kailan mas mabuting magpalit ng bagong pangalan.
·Upang mabatid ang mga sagabal sa pagpapalit ng pangalan.
Mga Katawagan sa Arabik:
·Hajj - isang paglalakbay sa Makkah kung saan ang mga manlalakbay o peregrino ay nagsasagawa ng itinakdang mga ritwal. Ang Hajj ay isa sa limang haligi ng Islam, na kung saan ang bawat isang Muslim na nasa tamang edad ay obligadong magsagawa isang beses sa kanilang buhay kung sila ay may kakayahang pinansyal at pisikal.
·Ka’bah - Ang hugis-kwadrado na istraktura na matatagpuan sa lungsod ng Makkah. Nagsisilbi ito bilang isang kalagitnaang bahagi kung saan nakaharap ang lahat ng mga Muslim kapag nananalangin.
·Surah - Kabanata sa Quran.
·Umrah - Ang isang paglalakbay sa Banal na lugar sa Bahay ng Allah sa lungsod ng Makkah, sa bansa ng Saudi Arabia. Kadalasang tinutukoy bilang mas mababang paglalakbay o peregrinasyon. Maaari itong isagawa sa anumang oras ng taon.
Maraming mga tao na nagbalik-loob sa Islam ay gumawa ng isang matibay na desisyon na baguhin ang kanilang mga pangalan upang maging tanda sa pagsisimula ng isang bagong buhay, isang bagong simula at isang bagong relihiyon. Gayunpaman ay dapat nating tandaan na hindi obligado sa isang tao na baguhin ang kanilang pangalan maliban na lamang kung dahil sa mga partikular na kalagayan. Ang isang tao ay hindi kailanman obligadong baguhin ang kanilang mga pangalan maliban kung ang ibig sabihin nito ay pagkaalipin ng isang tao o isang bagay maliban sa Allah o may ipinagbabawal na kahulugan. Gayunpaman, itinuturo sa atin ng Islam na ang bawat tao ay maiimpluwensiyahan ng mga kahulugan at mga diwa na nauugnay sa kanyang pangalan, at samakatuwid ay dapat nating pangalanan ang ating mga anak ng "mabuting" mga pangalan. Ito ay pareho ring totoo na kapag ang isang tao ay nagbalik-loob o yumakap sa Islam. Dapat nilang isaalang-alang ang kahulugan ng kanilang pangalan at kung ano ang ibig sabihin o tawag dito. Sa gusto natin o hindi, ang mga pangalan ay nagtataglay ng mga kahulugan at pumupukaw sa mga imahe o nagtataglay ng masamang palagay tungkol sa mga tao na pinangalanan. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit iminungkahi ni Propeta Muhammad (SAW) na baguhin ng ilang tao ang kanilang mga pangalan. Kung gayon ay tingnang mabuti ang pagpili at pagpapalit ng iyong pangalan pagkatapos magbalik-loob o yumakap sa Islam.
Mga Ipinagbabawal na Pangalan
Ipinagbabawal ang pagpili ng mga pangalan na nabibilang lamang sa Allah. Kabilang dito ang mga pangalan tulad ng Al-Ahad (Ang Nag-iisa), As-Samad (Ang Isa na pinagkakatiwalaan ng lahat para sa kanilang ikabubuhay), Al-Khaaliq (Ang Tagapaglikha), Al-Razzaaq (Ang Tagapagtustos), at Al-Jabbaar (Ang Tagabunsod). [1] Ipinagbabawal na gamitin ang anumang pangalan kung saan nangangahulugan ng pagkaalipin sa anumang bagay o sinuman bukod sa Allah, tulad ng 'Abdul-'Uzza (alipin ng al-'Uzza - isang paganong diyosa),' Abdul-Ka'bah (alipin ng Ka'bah ), 'Abdul-' Ali (alipin ni 'Ali),' Abdul-Husayn (alipin ni Husayn). Ipinagbabawal ding gamitin ang mga pangalan na kabilang sa mga idolo o diyus-diyusan, o isang pangalan na may malinaw na mga paganong pinagmulan.
Mga Hindi Kanais-nais na Pangalan
May maraming mga uri ng mga pangalan na hindi kanais-nais kahit na sila ay hindi tahasang ipinagbabawal. Kabilang dito ang mga pangalan na may masasama o nakapipinsalang mga kahulugan, o kung ito may tunog na kakaiba, o magiging sanhi ng kahihiyan. Ang mga pangalan na gaya ng mga ito ay salungat sa gabay ni Propeta Muhammad (SAW) na nagturo sa atin na pumili ng mga mabuting pangalan. Hindi rin ipinapayo na gumamit ng mga pangalan na nakakapukaw o malaswa o naghahatid ng anumang uri ng kasalanan at pagsuway sa Allah. Mayroon ding ilang pagkakaiba ng opinyon sa mga iskolar ng Islam kung ang mga mananampalataya ay maaaring gumamit ng mga pangalan ng mga Anghel o Kabanata ng Quran.
Arabik o Hindi Arabikong Mga Pangalan
Ang Islam ay dumating sa mga Arabo at di-Arabo, kaya hindi mahalaga para sa isang bagong Muslim na kumuha ng isang Arabong pangalan, sa halip mahalaga na ang pangalan ay hindi dapat pangit o may kahulugan na laban sa Islam. Kung ang di-Arabong pangalan ay may isang mabuting kahulugan, walang mali sa paggamit nito. Maraming Persiano at Byzantino ang yumakap sa Islam at pinanatili ang kanilang mga pangalan, at hindi binago ang mga ito. Sa katunayan, marami sa mga Propeta ay may mga pangalan na hindi Arabo dahil sila ay hindi Arabo. Gayunpaman ang lahat ng mga Propeta ay may mabuting mga pangalan at nagbigay ng mga mabuting pangalan sa kanilang mga anak, na kinuha nila mula sa kanilang natatanging mga kaugalian at tradisyon. Kasama sa mga halimbawa ang Isaac (Ishaaq), Moses (Musa) at Aaron (Harun).
Mga Mabuting Pangalan
Ginawang malinaw ni Propeta Muhammad (SAW) na ang mga magulang (at sa gayon ang mga nagbabago ng kanilang mga pangalan sa pagbabalik-loob sa Islam) ay dapat gumamit ng binanggit niyang magandang mga pangalan. Ang mga magulang ay dapat pumili ng isang mabuting pangalan para sa kanilang anak, at hindi ito dapat maging kakaiba o kakatwa sa lipunan kung saan sila naninirahan, dahil ang pagkakaroon ng isang kakaibang pangalan na maaaring maging sanhi sa pangalan o sa nagmamay-ari nito na tuksuhin o libakin. Sinabi sa atin ng minamahal na asawa ni Propeta Muhammad (SAW) na si Aisha (kalugdan nawa siya ng Allah) na lagi niyang binabago ang masamang mga pangalan at ang isa sa anak na babae ng kasamahan ni Propeta Muhammad (SAW) na si Omar (RA) ay tinawag na 'Aasiyah (suwail) at pinalitan ng Propeta ang kanyang pangalan na Jameelah (kaibig-ibig). [3]
May limang mga natatanging uri ng magagandang mga pangalan. Ang una ay binubuo ng mga pangalan na Abdullah at 'Abd ur-Rahman. Iniulat na ang Propeta Muhammad (SAW) ay nagsabi, "Ang pinakamamahal na mga pangalan sa Allah ay Abdullah at 'Abdur-Rahman." [4] Ang pangalawang uri ay ang lahat ng mga pangalan na nagpapahayag ng pagkaalipin at pagsamba sa Allah, tulad ng' Abdul- Azeez, 'Abdur-Raheem,' Abdul-Malik, 'Abdus-Salaam, at iba pa. Ang ikatlong uri ay ang mga pangalan ng mga Propeta at ang ika-apat, ay ang mga pangalan ng mga matuwid lalo na ang mga kasamahan ni Propeta Muhammad (SAW). Sa huli, ang ikalimang uri ay iba pang pangalan na may maganda at kaaya-ayang kahulugan.
Ang Opisyal na Pagpapalit ng Pangalan
Kung ang pagpapalit ng pangalan ng isang tao sa opisyal na mga dokumento at mga kasulatan ay magdudulot ng isang malaking abala, sapat na itong baguhin sa kanyang pamilya at mga kakilala. Sa ganitong kalagayan siya ay tatawagin sa kanyang bagong pangalan ng mga kaibigan, mga kakilala, at pangkalahatang tao, habang ang mga opisyal na dokumento ay mananatili ang dating ibinigay na pangalan. Hindi ito magiging sanhi ng mga problema at ito ay ganap na katanggap-tanggap. Maraming mga tao ang nag-aalala ng hindi kinakailangan na ang mga di-Arabo o di-Muslim na mga pangalan ay maaaring humadlang sa kakayahang magsagawa ng Hajj o Umrah. Hindi ang kalagayang ito. Ang bisa ng Hajj o Umrah ng isang tao ay walang kinalaman sa kanilang pangalan. Kapag nag-aplay ng bisa upang makapunta sa Hajj o Umrah, dapat na makakuha ng isang sapat na sertipiko mula sa lokal na Islamikong tanggapan na nagpapatunay na ang tao ay yumakap sa Islam. [5]
Pagpapanatili ng Angkan o Lahi
Mahalaga sa isang tao na kilalanin ang kanyang angkan mula sa kanilang biyolohikal o tunay na ama, maging siya man ay Muslim o hindi. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW) na, "Sinumang magpahayag ng sinasadya na siya ay nabibilang sa ibang tao (anak ng iba) maliban sa kanyang ama ay tatanggihan ng Paraiso." [6] Kaya kahit na ang isang tao ay nagpasiya na baguhin ang kanilang pangalan para maging akma sa bago nilang relihiyon ay hindi nila maaaring baguhin ang pangalawa o ang tinatawag sa kanluran na apelyido.
Tiyak na maaaring may ilang mga sagabal sa pagpapalit ng pangalan, ang bawat tao at ang kanilang mga kalagayan ay magkakaiba, gayunpaman ang relihiyon ng Islam ay ginawa ito na maging madali. Mula sa mataas na mga panukala ay maaaring makita na ang kompromiso ay laging posible. Maliban na lamang kung ang isang pangalan ay may ipinagbabawal na kahulugan, ang bawat sitwasyon ay hahatulan sa bawat pansariling katangian.
Ang listahan ng mga pangalan ay napakadaling mahanap sa internet at maaari kang magsimula sa mga sumusunod na site:
http://www.islamicity.com/Culture/Names/default.htm kalalakihan
http://www.islamicity.com/Culture/Names/female.htm kababaihan
Pinagkunan:
[1] Sh. Ibnul Qayyim sa Tuhfat al-Mawdood, p. 98
[2] At Tirmidhi
[3] Saheeh Muslim
[4] Ibid
[5] Mangyaring makipag-ugnayan sa Saudi Consulate o Embahada sa inyong bansa para sa kumpirmasyon (o bisitahin ang kanilang website) at para sa iba pang mga kinakailangan sa Hajj at Umrah.
[6] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
Nakaraang Aralin: Mga Sulyap sa Buhay ni Propeta Moses
Susunod na Aralin: Mga Pagsulyap mula sa Buhay ni Propeta Hesus
- Mga Kaugalian sa Pagdalo sa Moske (Masjid) (1 sa 2 bahagi)
- Mga Kaugalian sa Pagdalo sa Moske (Masjid) (2 sa 2 bahagi)
- Ang Pagbuo ng mga Mabubuting Gawi para sa mga Bagong Muslim
- Pagsulyap sa Buhay ni Propeta Noah
- Ang Pagdarasal sa Araw ng Biyernes (1 ng 2 bahagi)
- Ang Pagdarasal sa Araw ng Biyernes (2 ng 2 bahagi)
- Sulyap mula sa buhay ni Propeta Abraham
- Payo sa Pag-aasawa (1 ng 2 bahagi)
- Payo sa Pag-aasawa (2 ng 2 bahagi): Praktikal na mga Hakbang
- Mga Karapatan at Pananagutan ng mga Mag-asawa
- Ang Nagpapatibay sa isang Islamikong Pagsasama
- Mga Pagsulyap mula sa Buhay ni Propeta Lot
- Paanong Haharapin ang Kalungkutan at Pag-alala (1 ng 2 bahagi): Pagtitiis, Pasasalamat at Pagtitiwala
- Paanong Haharapin ang Kalungkutan at Pag-alala (2 ng 2 bahagi): Pagtibayin ang ugnayan sa Allah
- Mga pagsulyap mula sa Buhay ni Propeta Yusuf (Joseph)
- Ang Panalangin ng Patnubay
- Mga pagsulyap mula sa Buhay ni Propeta Ayub
- Madaling Patnubay sa Zakah (1 ng 2 bahagi)
- Madaling Patnubay sa Zakah (2 ng 2 bahagi)
- Mga Sulyap sa Buhay ni Propeta Moses
- Dapat Ko bang Baguhin ang Aking Pangalan?
- Mga Pagsulyap mula sa Buhay ni Propeta Hesus
- Pagharap sa mga Pag-aalinlangan
- Isang Maikling Talambuhay ni Propeta Muhammad (SAW) (1 ng 2 bahagi): Sa Panahon ng Makkah
- Isang Maikling Talambuhay ni Propeta Muhammad (SAW) (2 ng 2 bahagi): Sa Panahon ng Madinah.
- Mga Ipinagbabawal na Gamot (Droga), Alak, at Pagsusugal (1 ng 2 bahagi)
- Mga Ipinagbabawal na Gamot (Droga), Alak, at Pagsusugal (2 ng 2 bahagi)
- Ang Mundo ng mga Jinn (Espiritu)
- Ang Mundo ng mga Jinn o Espiritu (2 ng 2 bahagi)