Naglo-load...

Mga Alituntunin ng Pagtugon sa tawag ng kalikasan

Marka:

Deskripsyon: Ang Islam bilang relihiyong sumasaklaw sa lahat ay walang iniwang hindi natalakay. Kahit ang bagay na masyadong maka-mundo tulad ng mga alituntunin sa pagtugon sa tawag ng kalikasan ay nakabalangkas sa pamamaraan ng Propeta Muhammad (ang Kapayapaan ay mapasakanya) at ito ay nakatali sa isang Muslim sa pagpapahalaga ng kalinisan at kayumian.

Ni Imam Kamil Mufti

Nai-publish sa 31 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018

Nai-print: 82 - Nag-email: 0 - Nakakita: 9,001 (pang-araw-araw na average: 4)


Mga Layunin

·Upang matutunan ang mga alituntunin ng pagtugon sa tawag ng kalikasan ayon sa pagkakatukoy ng Propeta, ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah ay mapasakanya.

Mga Terminolohiyang Arabik

·Qiblah - ang direksyon kung saan humaharap kapag nagdarasal.

·Wudoo – espesyal na pag-hugas bago magsagawa ng pagdarasal.

·Salam - Ang Islamikong pagbati na dinadaan sa panalangin sa pagbigkas ng: 'As-Salamu Alaikum'.

Ang isang makamundong bagay tulad ng pagpunta sa palikuran ay nakaugnay na sa isang Muslim bilang kalinisan at kayumian. Hindi ito kakaiba o nakakapanibago, sapagkat lahat ay saklaw ng Islam, isang bagay na kamangha-mangha sa ilang mga tao. Kahit pa man noon sa panahon ng Propeta, may isang pagano na nagbulalas ng labis na pagkamangha kay Salman, na isang Persyano, "Ang inyong Propeta ay nagturo sa inyo ng lahat, kahit na kung paano ang pagpunta sa palikuran!" Sumagot si Salman, '"Oo, ipinagbawal niya sa amin ang pagharap sa direksyon ng Qiblah (sa Makkah) kapag umihi o magbawas ... "[1]

Sa araling ito ay ating idedetalye ang mga mabuting-asal ng pagpunta sa palikuran, isang bagay na parang maliit lamang, ngunit nagpapahiwatig ng marami patungkol sa personal na pangangalaga sa kalinisan at pagtalima sa katuruan ng relihiyon.

(A) Panalangin bago ang Pagpunta sa Palikuran

May ilang mga panalangin na dapat bigkasin kapag pumasok o umaalis sa lugar ng pagpahupa sa sarili (o sa palikuran), maging ito sa isang banyo o sa bukas na palikuran.

(a) Dapat bigkasin ang "Bismillah" (nagsisimula ako sa Pangalan ng Allah) bago pumasok, sapagkat sinabi ng Sugo ng Allah: (ayon sa salin ng kahulugan)

“Ang mga mata ng jinn ay (matatakpan) matakpan na makita ang kahubaran ng mga anak ni Adan kapag nagsabi ng, "Bismillah", bago pumasok sa Palikuran.’” (Al-Tirmidhi)

(b) Allah-humma innee a’oodhu bika min al-khubuthi wa’l-kha-baa’ith.

“O Allah, Ako ay nagpapaprotekta sayo laban sa Al-khubuhi at Al-kha-baa'ith (katawagan ng mga nananahan sa marururmi).” (Abu Daud, Al-Tirmidhi)

Pumasok gamit ang kaliwang paa.

(B) Sa loob ng Kubeta (o sa lugar ng Palikuran)

Pagharap sa Qibla

Bilang pagrespeto, ang isang Muslim ay hindi dapathaharap sa Qiblah[2] kapag umihi o magbawas (kung ito ay nasa bukas na palikuran). Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: (ayon sa salin ng kahulugan)

“Sinuman sa inyo ang umupo para sa tawag ng kalikasan ay huwag na huwag siyang humarap o tumalikod sa Qiblah.” (Saheeh Muslim)

Ang Pagkubli

Dapat nating ikubli ang ating sarili mula sa paningin ng iba kapag sumasagot sa tawag ng kalikasan. Minabuti ng Sugo ng Allah ang magtungo sa likod ng napaibabaw na lupa o sa hardin ng mga puno ng datiles.[3] Kapag ang isang tao ay nasa bukas na lugar at hindi makakahanap ng anumang bagay upang ikubli ang kanyang sarili at kailangan niyang sagutin ang tawag ng kalikasan, dapat siyang lumayo upang huwag makita ng madla. Inilarawan ng isa sa mga Kasamahan ng Sugo ang kalagayan noong siya ay kasama ng Propeta sa isang paglalakbay, at nang madama ng Propeta ang pangangailangan na sagutin ang tawag ng kalikasan, siya ay umalis at nagtungo sa malayo.[4]

Kapag nasa labas, ang isang tao ay hindi dapat magtanggal ng damit na tumatakip sa kanilang mga pribadong bahagi hanggang sa siya ay makaposisyon na naka-iskuwat malapit sa lupa, dahil mas naikukubli niya ito.[5] Sa loob ng bahay, tiyakin mo munang naisara ang pinto at hindi ka nakikita.

(C) Pagtugon sa tawag ng kalikasan

Pusturang Naka-iskuwat

Sa labas, kapag sumagot sa tawag ng kalikasan mas mainam ang naka-iskuwat. Mas mabuti kung ugaliin ang pusturang mas nakakubli, yaong mas iwas sa tilamsik sa katawan at damit. Ipinahintulot ang pusturang nakatayo kapag kinakailangan kung hindi naman ipinag-aalala na matilamsikan.

Ang Tilamsik

Dapat isaalang-alang ng tao na maiwasan ang tilamsik ng ihi, sa kanyang katawan at sa kanyang damit. Kapag nabahiran ng ihi o dumi ang bahagi ng katawan o damit, ang mga bahagi na iyon ay dapat ding mahugasan, at ang dungis na yaon ay dapat ganap na matanggal. Ang Sugo ng Allah ay dumaan sa dalawang libingan, at nagsabi: (ayon sa salin ng kahulugan)

“Tunay na sila ay pinaparusahan, ngunit para sa bagay na tila walang halaga sa kanila: ang isang ito ay hindi iningatan ang kanyang sarili mula sa ihi, at ang isa ay nagpapakalat ng paninirang-puri.” (Saheeh Al-Bukhari)

Mga lugar kung saan ito ay ipinagbabawal

Ang Islam ay nagbabawal sa pag-ihi sa mga lugar na dinadaanan ng mga tao, o sa mga lilim ng puno na sinisilungan, tulad ng liwasang-bayan, sapagkat ito ay isang bagay na nakakagambala sa mga tao. Sinabi ng Propeta, "Matakot ka sa dalawang bagay na nagdadala ng mga sumpa." Tinanong nila, "Ano ang dalawang bagay na nagdadala ng mga sumpa, O Sugo ng Allah?" Sinabi niya: (ayon sa salin ng kahulugan)

“Kapag ang isang tao ay nagpahupa sa kanyang sarili (nagbawas) sa daanan ng mga tao o sa mga lilim kung saan sila namamahinga.” (Abu Daud)

Gayundin, ipinagbabawal ang umihi sa mga tubig na nakatigil at hindi dumadaloy, base sa pagbabawal nito ng Sugo ng Allah.[6] Malinaw na nadudungisan nito ang tubig at makaka-abala sa mga gumagamit.

Pakikipag-usap

Huwag bigkasin ang, 'As-Salamu Alaikum' sa isang tao na sumasagot sa tawag ng kalikasan, o tumugon sa pagsagot ng 'Wa Alaikum Assalam' habang pinapaginhawa ang sarili, bilang paggalang sa pangalan ng Diyos. Ang Al-Salaam ay isa sa magagandang Pangalan ng Allah.

Isang lalaki ang napadaan sa Propeta habang siya ay nasa pag-iihi, at binati siya ng Salam. Ang Sugo ng Allah ay hindi sumagot, at nang natapos ay nagsabi: (ayon sa salin ng kahulugan)

“Kung madatnan mo ako sa ganoong kalagayan, ay huwag mo akong batiin, dahil kung gagawin mo, hindi ako tutugon.” (Ibn Majah)

Hindi kanais-nais ang pagsasalita habang nasa pagtugon sa tawag ng kalikasan kung ito naman ay hindi talaga kinakailangan.

Ihian

Iwasan ang ihian sa apat na kadahilanan. Una, hindi nakapribado. Ang mga pribadong bahagi ay nakalantad, at ito ay malaswa at ipinagbabawal. Ikalawa, halos imposibleng maiwasan ang mga tilamsik. Pangatlo, walang mga tisyung ginagamit panlinis. Ikaapat, ang mga tao minsan ay nagsasalita habang umiihi, isang aktibidad na dapat ay iniiwan sa labas ng kubeta (palikuran)!

(D) Paraan ng Paglilinis

(a) Gamitin ang kaliwang kamay

Isinalaysay ng asawa ng Propeta na si Hafsah na kanang kamay ang ginagamit ng Propeta kapag kumain, umiinom, nagsagawa ng wudoo, nagsusuot, at sa pagbibigay at pagtanggap ng mga bagay; at ginagamit niya ang kanyang kaliwang kamay para sa ibang mga bagay.[7]

Ang kanang kamay ay hindi dapat ipanghawak sa ari kapag umiihi, dahil sinabi ng Propeta:

“Kapag umihi ang isa sa inyo, ay huwag niyang ipanghawak sa kanyang ari ang kanyang kanang kamay, at huwag niyang ipanghugas ng ihi ang kanyang kanang kamay.” (Saheeh Al-Bukhari) (salin ng kahulugan)

Hindi ipinapahintulot na ang kanang kamay ang siyang gamitin sa pagpunas sa sarili sa paglilinis ng dumi o ihi; ang kaliwang kamay ay dapat gamitin hinggil ito, dahil sinabi ng Propeta:

“Kapag ang isa sa inyo ay nagpahid o nag linis sa kanyang sarili mula sa ihi at dumi, ay huwag niyang gamitin ang kanyang kanang kamay.” (Saheeh Al-Bukhari) (salin ng kahulugan)

(b) Kagamitan sa Paglinis

Maaaring gumamit ng tisyu o tubig. Mas mainam itong dalawa ang gamitin. Mag-ingat na maalis ang lahat ng mga marurumi pagkatapos ng pagsagot sa tawag ng kalikasan, dahil ang Propeta ay nagbabala laban sa pagiging pabaya sa paglilinis ng sarili pagkatapos ng pag-ihi:

“Karamihan sa mga parusa sa libingan ay dahil sa ihi.” (Ibn Majah) (salin ng kahulugan)

(c) Anumang karumihan ay dapat hugasan o punasan ng tatlong beses o higit pa, mas mainam na uulit-ultin sa hindi magkapares na bilang, naaayon sa kung ano ang kinakailangan linisin, dahil Sinabi ng Propeta:

“Kapag naglilinis ng sarili ang sinuman sa inyo ay ulit-ulitin niya ito sa hindi magkapares na bilang.” (Ahmad) (salin ng kahulugan)

Isang payo hinggil sa paghuhugas ng mga kamay

Ayon sa National Institutes of Health (NIH), isa sa apat na sakit na nakukuha sa pagkain, kabilang ang maraming iba pang mga sakit, ay sanhi ng hindi paghuhugas o hindi sapat na paghuhugas ng mga kamay. Hindi lamang ito gawain na madaling gawin, kundi ito rin ay itinuturing bilang isang paraan upang pigilan ang pagkalat ng impeksiyon. Kung hinihikayat ito ng mga opisyal ng kalusugan, anong pagpapahalaga pa kaya ang higit na dapat taglay ng mga Muslim? Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) at sa National Institutes of Health (NIH), ang mahusay na paghuhugas ng kamay ay nangangailangan ng tatlong pangunahing elemento: sabon, tubig, at paghilod o pagkuskus. Aktibong kuskusin ang iyong mga kamay at mga daliri kasama ang sabon, na maging mabula na sumasaklaw sa lahat ng ibabaw ng iyong mga kamay (kasama ang iyong mga daliri at sa ilalim ng iyong mga kuko), sa loob ng hindi bababa sa sampu hanggang labinlimang segundo. Sundan ito ng tuloy-tuloy na banlawan sa ilalim ng umaagas na tubig. Bigyang-pansin ang mga palasing-singan at mahahabang mga kuko, na parehong naiipunan ng bakterya at dumi. Upang maiwasan na marumihan muli ang iyong mga kamay, hugasan ang gripo o punasan ng malinis na tissue bago ito buksan. Ang mas mainam nga dapat, ay hindi gamitin ang maruming kamay sa pagbukas nito sa una pa lang. Pagkatapos ay tuyuin ang mga kamay gamit ang dryer o bagong disposable towel.

(E) Panalangin sa Pag-alis sa Palikuran

Sa pag-alis sa palikuran, unang ihakbang sa paglabas ang kanang paa, at sabihin:

Ghufraanak “Hiling ko ang iyong kapatawaran.” (Abu Daud, Al-Tirmidhi)


Talababa:

[1] Al-Tirmidhi

[2] Ang direksyon kung saan humaharap tuwing nagdarasal, naroon ang Kabah, ang pinakabahay-dasalan sa pagsamba kay Allah.

[3] Saheeh Muslim

[4] Al-Tirmidhi

[5] “Kapag ang Propeta na tumugon sa tawag ng kalikasan, hindi niya itinaas ang kanyang kasuutan hangga't hindi siya nakababa na naka-iskuwat malapit sa lupa.” (Al-Tirmidhi) (salin ng kahulugan)

[6] Saheeh Muslim

[7] Musnad.

Pasusulit at Quick Navigation
Mga kagamitan para sa Aralin
Mahina Pinakamainam
Nabigo! Subukan ulit mamaya. Salamat sa iyong rating.
Mag-iwan sa amin ng feedback o Katanungan

Magkomento sa araling ito: Mga Alituntunin ng Pagtugon sa tawag ng kalikasan

Ang mga patlang na minarkahan ng asterisk (*) ay nararapat punan.

Maaari ka ring magtanong sa live na chat sa pamamagitan dito.