Espesyal na Paghuhugas (Wudoo)
Deskripsyon:
Ni NewMuslims.com
Nai-publish sa 30 Mar 2018 - Huling binago sa 11 Apr 2018
Nai-print: 109 - Nag-email: 0 - Nakakita: 9,506 (pang-araw-araw na average: 4)
5
Mga Paunang Kinakailangan
· Ang Paraan ng Pagdarasal para sa mga Bagong-yakap sa Islam (2 bahagi)
Mga Layunin
·Maunawaan ang kabutihan ng espesyal na paghuhugas (wudoo)
·Sa unang aralin, napag-usapan natin ang mga pangunahing dapat malaman patungkol sa espesyal na paghuhugas (wudoo). Sa araling ito, ating isasalarawan kung panao magsagawa ng espesyal na paghuhugas sa mas detalyadong paraan, at babanggitin din natin ang mga hadith kung saan ito ibinatay.
Terminolohiyang Arabik
·Nafl - boluntaryong gawaing pagsamba
·Hadith - (pangmaramihan – ahadith) ay isang pirasong impormasyon o salaysay. Sa Islam ito ay tumutukoy sa mga naisalaysay na sinabi, kilos, deskripsyon ni Propeta Muhammad, at kanyang mga pinahintulutan.
·Wudoo – espesyal na paghuhugas.
Ang Kabutihan ng Espesyal na Paghuhugas
Sa pamamagitan ng sukdulang biyaya ng Allah, Inutusan Niya tayo ng ilang mga obligasyon, at tayo ay gagantimpalaan kapag ito ay maisakatuparan. Ang pagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas) ay may maraming mga kabutihan na nauugnay dito, mula sa kapatawaran ng mga kasalanan, hanggang sa pagiging palatandaan ng pagkilala sa Araw ng Paghuhukom. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng ilan sa ahadith na binabanggit ang mga gantimpala na ito.
(1) Ang Sugo ng Allah, mapasakanya ang Kapayapaan at pagpapala ng Allah, ay nagsabi: (ayon sa salin ng kahulugan)
"Kapag ang isang Muslim o isang mananampalataya ay nagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas), sa paghugas niya ng kanyang mukha, ang bawat pagkakamali na ginawa niya na resulta ng pagtingin ay natatangay ng tubig (o hanggang sa huling patak ng tubig). At sa paghugas niya ng kanyang mga kamay, ang bawat pagkakamali na ginawa ng kanyang mga kamay ay natatangay ng tubig (o hanggang sa huling patak ng tubig). At sa paghugas niya ng kanyang mga paa, ang bawat pagkakamaling nilakad ng kanyang paa ay natatangay ng tubig (o hanggang sa huling patak ng tubig), hanggang siya ay maging dalisay na at walang bahid ng kasalanan .. "(Muslim)
(2) Sinabi ng Sugo ng Allah: (ayon sa salin ng kahulugan)
"Dapat ko bang ipaalam sa iyo (ang gawain) kung saan buburahin ng Allah ang inyong mga pagkakamali at itataas Niya sa pamamagitan nito ang inyong mga antas? Sinabi nila, Syempre opo, O Sugo ng Allah'. Sinabi Niya, 'Sapat at wastong pagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas) sa sitwasyon na mahirap ito isagawa, at ang maraming mga paghakbang tungo sa masjid (bahay-dasalan), at paghihintay sa susunod na salah (espesyal na pagdarasal) pagkatapos ng na-unang salah, iyon ang inyong ribat (matatag na pagbabatay)[1].’” (Saheeh Muslim)
(3) Ang Sugo ni Allah ay dumaan sa isang libingan at nagsabi: (ayon sa salin ng kahulugan)
“Ang kapayapaan ay sumainyo - mga nasa tahanan ng mga taong nananampalataya, at sa lalong madaling panahon ay kami rin, kung gustuhin ng Allah, ay sasali na rin sa inyo. Gustung-gusto kong makita ang mga kapatid natin.”
Sila (ang kanyang mga Kasamahan) ay nagsabi: "Hindi ba kami ang iyong mga kapatid, O Sugo ng Allah?”
Sinabi niya: "Bagkus kayo ang aking mga kasamahan; ang ating mga kapatid ay yaong mga hindi pa dumating.”
Sinabi nila: "O Sugo ng Allah, paano mo makikilala ang mga tao na iyong tagasunod [sa Araw ng Paghuhukom] na hindi pa ipinanganak?”
Sumagot siya: "Ipagpalagay ninyo kung may isang tao na mayroong mga kabayo, na puti ang mga noo at puti ang mga paa, na nasa mga kabayong itim lahat, hindi ba niya makikilala ang kanyang mga kabayo?”
Sinabi nila: "Syempre po, O Sugo ng Allah.”
Sinabi niya: "Sila (mga hindi pa ngayun dumating) ay darating na may mga puting mukha, at puting mga bisig at mga paa dahil sa pagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas), at darating ako sa imbakang-tubig[2] sa harap nila. At may mga taong itataboy tulad ng pagpapalayas sa mga kamelyong ligaw. Tatawagin ko sila: 'Hali kayo, hali kayo.' At sasabihin (sa akin): 'Ang mga taong yan ay nagbago [ng relihiyon sa pamamagitan ng mga inobasyon sa pagsamba] pagkatapos mo,' at sasabihin ko: 'Humayo kayo, lumayo kayo.’” (Saheeh Muslim)
Sa Araw ng Paghuhukom, ang lipunan ng mga tumatalima (muslim) ay makikilala na kakaiba sa ibang mga lipunan sa pamamagitan ng mga bahagi ng katawan na kanilang hinuhugasan sa pagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas) kung saan itong mga ‘to ay liliwanag: (ayon sa salin ng kahulugan ng isang hadith)
“Ang aking mga tagasunod ay tatawagin sa Araw ng Paghuhukom at darating na may maliwanag na mga mukha, mga bisig at mga paa, liwanag na mga bakas ng pagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas).” (al-Bukhari)
Ang Paraan ng Pagsasagawa ng Wudoo (espesyal na paghuhugas)
Ang Allah, ang Kataas-taasan, ay nagsabi sa Qur'an: (ayon sa salin ng kahulugan)
“O kayong mga naniniwala! Kapag nais ninyong itayo ang pag-alay ng salah (espesyal na pagdarasal), hugasan ninyo ang inyong mga mukha at ang inyong mga kamay hanggang mga siko, punasan ang inyong mga ulo, at hugasan ang inyong mga paa hanggang sa mga bukung-bukong.” (Quran 5:6)
Sinabi rin ni Propeta Muhammad: (ayon sa salin ng kahulugan)
“Ang Allah ay hindi tumatanggap ng naisagawang salah (espesyal na pagdarasal) nang wala sa kalagayan ng kadalisayan.” (Muslim)
Ang Propeta ay talagang nagturo sa atin kung paano magsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas), at siya ay ipinadala upang ipaliwanag ang naipahayag sa Quran. Ang sumusunod ay isang magka sunod - sunod na gabay na nagpapaliwanag kung ano ang dapat hugasan at kung paano, ito ay nalikom mula sa maraming mga naisalaysay na hadith.
(1) Dapat kang magkaroon ng intension na lilinisin mo ang iyong sarili mula sa katayuan ng hindi-pagkadalisay[3]. Nangangahulugan ito na dapat mong isaalang-alang na ikaw ay magsasagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas) sa layuning dadalisayin mo ang iyong sarili. Ang intensyong ito ay nasa puso at hindi dapat ipahayag sa salita.
(2) Simulan sa ngalan ng Allah, sa pagbanggit ng ‘Bismillaah’.
(3) Pagkatapos, hugasan ang iyong mga kamay ng tatlong beses bawat isa. Dapat mong palagiin ang pagsimula sa kanan tuwing maghuhugas ng mga bahagi ng katawan..
(4) Banlawan ang iyong bibig ng tatlong ulit, paikutin ang tubig sa paligid ng iyong bibig (magmumog), at pagkatapos ay banlawan ang iyong ilong ng tatlong beses sa pamamagitan ng pagpasok ng tubig sa mga butas ng ilong at suminga. Gamitin ang iyong kaliwang kamay na tutulong sa pagsinga ng tubig mula sa ilong.
(5) Hugasan ang iyong mukha ng tatlong beses, mula sa linya ng tubuan ng buhok hanggang sa panga at baba, at mula sa tenga hanggang kabilang tenga. Dapat din sa lalaki na basain niya ang kanyang balbas dahil ito ay bahagi ng mukha. Kung ang kanyang balbas ay manipis dapat itong hugasan sa loob at labas, at kung ito naman ay makapal at tumaklob sa balat, ay sapat nang hugasan ang ibabaw at isuklay ang kanyang basang daliri sa pamamagitan nito.
(6) Pagkatapos ay dapat mong hugasan ang iyong mga kamay at bisig hanggang sa mga siko nang tatlong beses, simula sa mga daliri, kabilang ang mga kuko, hanggang sa aabot sa mga siko na mahugasan din. Mahalaga na alisin ang anumang bagay na nakaharang sa kamay bago hugasan ang mga ito, putik, pintura, kyutiks, at anumang bagay na maaaring pipigil sa tubig na aabot sa balat.
(7) Pagkatapos, sa pamamagitan ng sariwang tubig, punasan ang iyong ulo at tenga ng isang beses, hindi ang tubig na natira mula sa paghuhugas ng iyong mga bisig. Ang paraan sa pagpunas ng ulo ay sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong mga basang kamay sa harap ng iyong ulo at ihaplos ang mga ito sa iyong buhok/ulo hanggang sa umabot sa likod ng iyong ulo (sa ibabaw ng batok), pagkatapos ay ihaplos pabalik sa bahagi kung saan nagsimula. Maaari mong makita ang ilang mga tao na hinahaplos din nila ang kanilang mga batok. Ito ay isang gawaing naging nakasanayan ng mga muslim na nagmula sa iba’t ibang bansa at hindi dapat gawin, dahil ang Propeta ay hindi nagturo na gawin ang tulad nito. Pagkatapos ay punasan ng iyong mga hintuturo ang loob ng iyong mga tenga, habang ang likod ng mga tenga naman ay pinupunasan ng iyong hinlalaki. Ang patungkol naman sa mahabang buhok, nakatali man o nakalugay, hindi na pupunasan ang buong kahabaan ng buhok, kundi sapat na ang paghaplos ng kamay mula harap ng ulo hanggang likod, tulad ng inilarawan sa itaas.
(8) Pagkatapos ay dapat mong hugasan ang iyong mga paa ng tatlong beses, mula sa mga dulo at pagitan ng daliri hanggang sa aabot sa mga bukung-bukong na mahugasan din.
(9) Dapat mong mapanatili ang tamang pagkakasunud-sunod sa paghuhugas ng mga bahagi ng katawan, at gawin ito nang magkakasunod, na hindi tumatagal ng mahabang pag-antala sa pagitan ng paghuhugas sa bawat bahaging hinuhugasan.
Ang mga bahagi ng katawan na aming binanggit na huhugasan ng tatlong beses ay maaaring hugasan nang dalawa o isang beses, ngunit ang mga nabanggit namin na punasan nang isang beses (ang ulo at ang mga tainga) ay pupunasan ng isang beses lamang at hindi na higit pa.
Ang mga kalalakihan at kababaihan ay dapat magsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas) sa parehong paraan. At sa dahilang ang karamihan sa inyo ay malamang nasa lugar kung saan kayo nagtatrabaho, magandang ideya na matutunan ninyo kung paano ang pagpunas ng mga medyas upang mapagaan sa sarili na hindi na mag-abala sa pagtanggal ng mga medyas habang nasa trabaho. Ito ay nagsasangkot ng pagbasa ng mga kamay at ihaplos ang mga ito sa ibabaw ng mga medyas (ang bahagi ng paa lamang at hindi ang binti). Ang karagdagang kaalaman nito ay maaari mo ring matutunan dito.
Ang batayan sa paraan ng pagsagawa ng wudoo (espesyal na paghuhugas) ay itong hadith na isinalaysay ni Ali:
“Pagkatapos ng pagdarasal sa oras ng Fajr, 'pumasok si Ali at umupo sa balkonahe, at pagkatapos ay nagsabi sa isang batang lalaki:' Kunan mo ako ng tubig para sa wudoo (espesyal na paghugas). 'Dinalhan siya ng bata ng isang mangkok ng tubig at isang palanggana. 'Sinabi ni Abd Khair:' Kami ay nakaupo at nanonood sa kanya. 'Sabi: Hawak niya ang mangkok sa kanyang kanang kamay at ibinuhos ang tubig sa kanyang kaliwang kamay, at hinugasan ang kanyang mga kamay hanggang sa pulso. Pagkatapos ay hawak niyang [muli] ang mangkok sa kanyang kanang kamay at ibinuhos ang tubig sa kanyang kaliwang kamay, at hinugasan ang kanyang mga kamay hanggang sa pulso. Hindi niya ipinasok ang kanyang mga kamay sa loob ng mangkok hanggang natapos na nahugasan niya ang dalawang kamay nang tatlong beses.
Pagkatapos ay ipinasok niya ang kanyang kanang kamay sa mangkok at binanlawan ang kanyang bibig at ilong ng tatlong ulit, isininga niya palabas ang tubig mula sa kanyang ilong sa tulong ng kanyang kaliwang kamay.
Hinugasan niya ang kanyang mukha nang tatlong beses, ang kanyang kanang kamay hanggang siko ng tatlong beses, at pagkatapos ay ang kanyang kaliwang kamay hanggang siko ng tatlong beses.
Pagkatapos ay ipinasok niya ang kanyang kanang kamay sa mangkok hanggang sa ito ay nailubog sa tubig, kinuha ito at ipinahid sa kanyang kaliwang kamay ang natangay nitong tubig, pagkatapos ay inihaplos niya sa kanyang ulo ang dalawang kamay nang isang beses.
Binuhusan niya ng tubig ang kanyang kanang paa gamit ang kanyang kanang kamay ng tatlong beses, habang hinuhugasan ito ng kanyang kaliwang kamay, at pagkatapos ay binuhusan ng tubig ang kanyang kaliwang paa gamit ang kanyang kanang kamay ng tatlong beses, habang hinuhugasan din ito gamit ang kanyang kaliwang kamay.
Pagkatapos ay inilagay niya ang kanyang kanang kamay sa mangkok, kumuha ng tubig sa kanyang palad at ininom ito. Pagkatapos ay sinabi niya, 'Ganito isinagawa ng Propeta ng Allah ang paghuhugas (wudoo). Sinuman ang gustong makakita kung paano niya isinagawa ang paghuhugas, ay ito na iyon.’” [Saheeh ibn Hibban]
Sa pagdaan ng panahon, maaari mong malaman ang mga panalangin na sinabi mismo ng Propeta at hinimok din sa atin na sabihin pagkatapos makumpleto ang paghuhugas (wudoo).
1.“Ash’hadu an laa ilaha ill-Allah, wahdahu laa shareeka lah, wa ash’hadu anna Muhammadan abduhu wa rasooluh.”
“Ako ay sumasaksi na walang sasambahin maliban sa Allah, tanging Siya lamang at wala Siyang katambal, at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo.”
2.“Allahummaj’alni min at-tawwabeena waj-alni min al-mutatahhireen.”
“O Allah, gawin mo akong kabilang sa mga nagbabalik-loob Sayo at kabilang sa mga naglilinis at napapakadalisay.”
3.“Subhaanak Allahumma wa bihamdik, ash’hadu an laa ilaha illa ant, astaghfiruka wa atoobu ilaik.”
“Ikaw ay labis na perpekto O Allah, ang pagpuri ay Sayo, ako ay sumasaksi na walang sasambahin maliban Sayo lamang, Sayo ako humihingi ng kapatawaran at ako ay nagbabalik-loob Sayo.’
Talababa:
[1] Ribat ay termenolohiya na nangangahulugang 'pagbantay' sa mga hangganan ng bayan ng mga sumunod sa Islam mula sa mga atake ng kalaban, na may malaking gantimpala sa Islam.
[2] Ang Imbakang-tubig, o ‘Hawd’ sa Arabik: ay malaking lagayan ng tubig na mula dito ang Propeta ay magbibigay sa kanyang mga tagasunod ng mga maiinum na puti pa kay sa gatas sa Araw ng Paghuhukom, na pagkatapos ay hindi na sila uuhawin muli.
[3] Ito ay katayuang ng isang tao, kapag siya ay umihi, o nagbawas sa palikuran, atbp.
Nakaraang Aralin: Mga Alituntunin ng Espesyal na Pagligo (Ghusl)
Susunod na Aralin: Pagdarasal para sa mga Baguhan (part 1 of 2): Bago ka magsagawa ng Pagdarasal
- Halina’t kilalanin natin si Muhammad (part 1 of 2)
- Halinang Kilalanin si Muhammad (Sumakanya nawa ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah) (Ikalawang parte sa dalawang aralin)
- Pagpapanatili ng Banal na Qur'an
- Kahalagahan ng Salah
- Mga Alituntunin ng Espesyal na Pagligo (Ghusl)
- Espesyal na Paghuhugas (Wudoo)
- Pagdarasal para sa mga Baguhan (part 1 of 2): Bago ka magsagawa ng Pagdarasal
- Pagdarasal para sa mga Baguhan (Ika-2 bahagi ng 2): Isang Paglalarawan ng Pagdarasal
- Benepisyong Pang-kaluluwa ng Pagdarasal
- Medikal na benepisyo ng Panalanagin
- Mga Alituntunin ng Pagtugon sa tawag ng kalikasan
- Ang Buwanang-dalaw (Regla)
- Pagpapakilala sa Mga Patakaran ng Islam hinggil sa Tamang Pagkain
- Isang Pagpapakilala sa Pamilyang Muslim (Ika-1 bahagi ng 2)
- Isang Pagpapakilala sa Pamilyang Muslim (Ika-2 bahagi ng 2)
- Ang Pagmamahal sa Diyos at Kung Paano ito Makakamit (Unang Bahagi 1 ng 2)
- Ang Pagmamahal sa Diyos at Paano ito Makakamit (Ika-2 bahagi ng 2)
- Ang Panimula sa Pag-aayuno
- Paano mag-ayuno
- Ang Eid at ang Katapusan ng Ramadan (Pagtatapos ng Ramadan)
- Nasaan ang Allah?
- Abraham (Unang-bahagi sa 2)
- Abraham (Ika-lawang bahagi ng 2)
- Simpleng Kapaliwanagan ng Surah Al-Fatiha
- Simpleng Kapaliwanagan ng Tatlong Maiikling Kabanata ng Qur'an